IN LIGHT OF THE SCRIPTURES
Would you like to react to this message? Create an account in a few clicks or log in to continue.

Kung Paano Malalaman ang Tunay na Relihiyon

Go down

Kung Paano Malalaman ang Tunay na Relihiyon Empty Kung Paano Malalaman ang Tunay na Relihiyon

Post by nobody Tue Aug 21, 2012 3:30 am

‘Kung umiiral ang katotohanan mula sa Diyos, bakit kailangan pa akong maghanap?’ ang tanong ng ilan. ‘Kung may mahalagang mensahe ang Diyos sa mga tao, hindi ba’t malinaw niya itong ipaaalam para madali itong maintindihan nang hindi na kailangan pang magsuri?’

TIYAK na may kakayahan ang Diyos na gawin iyan. Pero iyon ba ang pinili niyang paraan para ipaalam ang katotohanan?

Kung Paano Ipinaaalam ng Diyos ang Katotohanan

Sa katunayan, ipinaaalam ng Diyos ang kaniyang mga mensahe sa paraang makikita ng mga taimtim na naghahanap ng katotohanan. (Awit 14:2) Tingnan natin ang mensaheng ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Jeremias mga ilang siglo na ang nakalipas. Ibinigay iyon sa masuwaying bayan ng Diyos may kinalaman sa nalalapit na pagkawasak ng Jerusalem sa kamay ng mga Babilonyo.—Jeremias 25:8-11; 52:12-14.

Pero kasabay nito, may ibang mga propetang nagsasabi na galing din sa Diyos ang mensaheng hatid nila. Inihula ni Hananias na magkakaroon ng kapayapaan sa Jerusalem. Ibang-iba ito sa mensaheng hatid ni Jeremias. Kaya sino ang paniniwalaan ng mga tao noon—si Jeremias o yaong mga sumasalungat sa kaniya?—Jeremias 23:16, 17; 28:1, 2, 10-17.

Para malaman kung sino ang tama, kailangan ng mga taimtim na Judio na makilala si Jehova bilang isang persona. Kailangan nilang maunawaan ang kaniyang mga batas at simulain, pati na ang kaniyang nadarama tungkol sa masasamang gawa. Kapag ginawa nila ito, sasang-ayon sila sa ipinahayag ni Jeremias na mensahe ng Diyos na “walang isa mang tao ang nagsisisi sa kaniyang kasamaan.” (Jeremias 8:5-7) Bukod diyan, mauunawaan nilang hindi maganda ang ibinabadya ng nakalulungkot na kalagayang iyon para sa Jerusalem at sa mga naninirahan doon.—Deuteronomio 28:15-68; Jeremias 52:4-14.

Natupad ang mga inihula ni Jeremias tungkol sa Jerusalem. Winasak ng mga Babilonyo ang lunsod noong 607 B.C.E.

Bagaman matagal nang inihula ang kahihinatnan ng pagsuway, kailangan pa rin ng pagsisikap para makitang dumating na ang panahon ng pagkilos ng Diyos.

Kumusta Naman ang Katotohanang Itinuro ni Jesus?

Kumusta naman ang katotohanang inihayag ni Jesu-Kristo? Tinanggap ba ng lahat ng mga tao noon ang mensahe mula sa Diyos? Hindi. Bagaman naroon na mismo si Jesus sa gitna ng bayan ng Israel at nagtuturo sa kanila at gumagawa ng mga himala, hindi pa rin nakilala ng karamihan ng kaniyang mga tagapakinig na siya ang inihulang Mesiyas—ang Kristo, o ang Pinahiran.

Nang magtanong ang mga Pariseo kung kailan darating ang Kaharian ng Diyos, sinabi mismo ni Jesus: “Ang kaharian ng Diyos ay hindi darating na may kapansin-pansing pagpapakita.” Sinabi pa niya: “Ang kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo.” (Lucas 17:20, 21) Ang inatasan ng Diyos na Tagapamahala, si Jesus, ay nasa gitna nila mismo! Pero ipinagkibit-balikat lang ng mga Pariseo ang katibayan na tinutupad niya ang mga hulang nagpapatunay na siya nga ang Mesiyas at hindi nila siya tinanggap bilang “ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”—Mateo 16:16.

Gayon din ang naging reaksiyon ng mga tao sa katotohanang inihayag ng unang-siglong mga alagad ni Kristo. Bagaman nakatutulong ang mga himala para ipakitang sinusuportahan ng Diyos ang mga alagad, hindi pa rin makita ng karamihan ang katotohanan. (Gawa 8:1-8; 9:32-41) Inatasan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na “gumawa ng mga alagad sa mga tao” sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila. Dahil sa pakikinig at pag-aaral ng mga katotohanan mula sa Kasulatan, naging mananampalataya ang mga taimtim na naghahanap ng katotohanan.—Mateo 28:19; Gawa 5:42; 17:2-4, 32-34.

Ganiyan din sa ngayon. Ang “mabuting balitang ito ng kaharian” ay ‘ipinangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.’ (Mateo 24:14) Hindi ito ginagawa “na may kapansin-pansing pagpapakita”—sa paraang madaling malaman ng bawat tao sa lupa na iyon ay isang mensahe mula sa Diyos. Pero posible pa ring malaman ang katotohanan mula sa Diyos at tumutugon dito ang tapat-pusong mga tao na gustong sumamba sa Diyos sa paraang sinasang-ayunan niya.—Juan 10:4, 27.

Ang pagbabasa mo ng isang magasin tungkol sa Bibliya ay nagpapahiwatig na taimtim kang naghahanap ng katotohanan. Paano mo malalaman kung aling relihiyon ang nagtuturo nito?

Isang Mabisang Paraan

Ang ilan sa mga unang-siglong taga-Berea ay pinapurihan ni apostol Pablo sa naging pagtugon nila nang turuan niya sila. Hindi nila agad tinanggap bilang katotohanan ang mga sinabi ni Pablo; pero magalang pa rin silang nakinig. Matututo tayo sa ginawa ng mga taga-Berea matapos nilang mapakinggan ang mensahe.

Pansinin na ipinaliwanag ng Bibliya: “At higit na mararangal ang pag-iisip ng mga [taga-Berea] kaysa roon sa mga nasa Tesalonica, sapagkat tinanggap nila ang salita nang may buong pananabik ng kaisipan, na maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na ito. Kaya marami sa kanila ang naging mananampalataya.” (Gawa 17:10-12) Ang kanilang pagsusuri ay hindi lang pahapyaw. Alam nilang hindi nila malilinawan ang lahat sa basta isa o dalawang maikling pagkikipag-usap lamang kay Pablo.

Pansinin din na “tinanggap [ng mga taga-Berea] ang salita nang may buong pananabik ng kaisipan.” Makikita natin dito ang kanilang saloobin sa pag-aaral ng Kasulatan. Hindi sila basta naniniwala pero hindi rin sila basta tumatanggi. Hindi sila naging negatibo sa mga ipinaliwanag ni Pablo, na isa sa mga mensahero ng Diyos.

Pag-isipan din ito: Noon lamang narinig ng mga taga-Berea ang tungkol sa Kristiyanismo. Mukhang maganda naman, pero mahirap paniwalaan. Pero sa halip na tanggihan ang mensahe, maingat nilang sinuri ang Kasulatan para makita nila ‘kung totoo nga ang mga bagay na sinabi ni Pablo.’ Pansinin din na naging mga mananampalataya ang mga taga-Berea at mga taga-Tesalonica na nagsuri nang masikap. (Gawa 17:4, 12) Hindi sila tumigil at hindi nila inisip na imposibleng malaman ang katotohanan. Nalaman nila ang tunay na relihiyon.

Epekto ng Katotohanan sa mga Tao

Kapag nalaman ng isang tao ang katotohanan, gaya ng mga taga-Berea, gustung-gusto niya itong sabihin sa iba. Baka hindi ito magustuhan ng iba dahil naniniwala silang isang kapakumbabaan na isiping tama rin ang ibang relihiyon. Pero ang katotohanan mula sa Bibliya—kapag nalaman na—ay tutulong sa isa na magkaroon ng sariling paninindigan. Hindi na siya nag-aalinlangan kung malalaman nga ba ang katotohanan o kung lahat ba ng relihiyon ay aakay sa kaligtasan. Pero ang paghahanap sa katotohanan ay nagsisimula sa taimtim na pagsusuri, at kailangan ang kapakumbabaan para magawa ito.

Ganiyan ang pagsusuring ginawa ng mga Saksi ni Jehova. Iyan ang dahilan kung bakit naniniwala silang nasumpungan na nila ang tunay na relihiyon. At inaanyayahan ka nila na suriin ang Kasulatan para malaman mo kung sino ang nagtataguyod ng tunay na relihiyon sa ngayon. Bagaman higit pa ang kailangan kaysa sa pagkakaroon ng simpleng listahan, ang mga punto tungkol sa unang-siglong mga Kristiyano na nasa kahon sa pahinang ito ay makatutulong sa iyo na magsimula.

Kung tatanggapin mo ang walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova, masusuri mong mabuti kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya. Kapag natutuhan mo ito, malalaman mo na ang tunay na relihiyon.

Mga Katangian ng Tunay na Relihiyon
Tingnan natin ang mga gawain at turo ng unang-siglong mga Kristiyano:
▪ Nagtiwala sila sa Salita ng Diyos bilang kanilang patnubay.—2 Timoteo 3:16; 2 Pedro 1:21.
▪ Itinuro nila na si Jesus ay Anak ng Diyos, hiwalay na persona at nakabababa sa Diyos.—1 Corinto 11:3; 1 Pedro 1:3.
▪ Itinuro nila na ang mga patay ay may pag-asang buhaying muli sa hinaharap.—Gawa 24:15.
▪ Kilala sila sa kanilang pag-ibig sa isa’t isa.—Juan 13:34, 35.
▪ Hindi sila kani-kaniya sa kanilang pagsamba kundi inorganisa sila bilang mga kongregasyon at pinagkaisa sila sa pangunguna ng mga tagapangasiwa at isang pangunahing lupon ng matatanda na kumikilala kay Jesus bilang kanilang Ulo.—Gawa 14:21-23; 15:1-31; Efeso 1:22; 1 Timoteo 3:1-13.
▪ Masigasig nilang ipinangaral ang Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pag-asa ng sangkatauhan.—Mateo 24:14; 28:19, 20; Gawa 1:8.

[Pinagkunan: Gumising! Marso 2008 isyu, pahina 7-9]
nobody
nobody
Napapadalas

Location : The Great Void
Posts : 58
Join date : 2012-08-01

Back to top Go down

Back to top

- Similar topics

 
Permissions in this forum:
You cannot reply to topics in this forum